NAKAKUHA noong Linggo ng hapon ang Pasay City Police ng testigong nagdiin sa mga tauhan ng Barangay hinggil sa pagkamatay ng isang batang lalaki sa Maricaban, Pasay City, ilang araw na ang nakalilipas.
Halos tumutugma naman sa napanood sa CCTV ng mga nag-imbestigang pulis ang testimonya ng testigong si Jaylord Zuniega, 25-anyos na vendor ng mani at residente ng Blk. 4, Saint Theresa St., Brgy. 179, Zone 9, Maricaban, Pasay City.
Magugunitang umani ng atensyon ng publiko sa social media ang tangkang paghuli ng mga barangay tanod na sina Relan Maquiling at Arturo Rontos, sa biktimang si John Dave Pepito, 12-anyos, residente sa #164 Rosas St., Maricaban, Pasay City, na nagresulta sa pagkamatay ng huli.
Sinikap ng mga imbestigador ng IDMS, na pinangungunahan ni P/Lt. Dennis D. Desalisa, na kapanayamin ang mga magulang ng biktima sa Malaya Funeral Homes ngunit tumanggi ang mga ito dahil patuloy pang namimighati sa biglaang pagpanaw ng kanilang anak.
Sa record ng Brgy. 184, Zone 19, Pasay City, ipinakita sa mga imbestigador nina Kagawad Teddy Rosales at Jess Fernandez, ang nakatala na nakatanggap ng tawag ang barangay mula sa concerned citizen na may gumagalang mga kabataan sa kalye ng St. Peter sa Maricaban.
Dahil dito, nagresponde ang dalawang tanod bilang bahagi ng safety protocol sa panahon ng pandemya.
Nagtakbuhan ang mga bata nang makita ang mga barangay tanod na paparating.
Sa puntong iyon ang napagtuunan ng pansin ng mga tanod na habulin ay ang biktima na sa pagtakbo ay nabuwal kaya nabagok ang ulo sa bangketa.
Dinala ng mga tanod na sina Relan Maquiling at Arturo Rontos sa San Pablo Health Center sa Maricaban, Pasay City ang biktima at kalaunan ay inilipat sa Protacio Hospital sa Tambo, Parañaque City ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dra. Jade Ajero dakong alas-4:10 ng hapon noong Abril 14, 2021. (DAVE MEDINA)
180
