2 TAUHAN NG MTPB SWAK SA SELDA

Kita sa parking kinupit

NAHAHARAP sa kasong qualified theft (Violation of Article 310) ng Revised Penal Code ang dalawang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos umanong mabigong i-remit ang halagang P5,000 na koleksiyon ng parking sa Binondo, Manila.

Kinilala ang mga suspek na sina Rogelio Rarogal y Sabido, 58, at Divino Binza y Bereso, 39, parehong residente ng Binondo.

Batay sa ulat ni P/Major Rosalino Ibay Jr.,hepe ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), bandang alas-1:35 ng hapon  nang bitbitin ang dalawa mula sa opisina ng MTPB sa Manila City Hall Building sa Arroceros St. sa Ermita.

Nabatid sa imbestigasyon ni P/SSgt. Oscar Vargas Jr., inaresto ang dalawa dahil sa hindi pag-remit sa perang kinita sa parking.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagsinungaling ang dalawa nang sabihan sila na i-remit ang P5,000 ngunit binigyang-diin na ibinigay na nila ito.

Bunsod nito, binitbit ang mga suspek sa tanggapan ng MPD- SMaRT.

Nabatid sa report ng pulisya na ang dalawa ay kapwa parking attendant ng MTPB at parehong nakatalaga sa San Nicolas St. sa Binondo.

Bukod sa kasong qualified theft, nahaharap din ang dalawa sa kasong administratibo at malamang ay masibak sa puwesto. (RENE CRISOSTOMO)

 

438

Related posts

Leave a Comment