DALAWANG miyembro ng Communist Terrorists Group (CTG) ang napatay ng mga tauhan ng Philippine Army habang iba’t ibang war materials ang nasamsam sa serye ng sagupaan na naganap sa liblib na bahagi ng Barangay Sto. Niño, Paranas, Samar, ayon sa ulat ng militar kahapon.
Ayon sa 8th Infantry Division, nagkasa ng focused military operation ang kanilang tropa kasunod ng sumbong mula sa mga residente hinggil sa presensya ng armadong kalalakihan na nagsasagawa ng extortion activities sa nasabing barangay.
Nangyari ang unang sagupaan bandang alas-5:00 ng umaga nang masabat ng Army Special Forces Company at 87th Infantry Battalion ang isang grupo ng mga armado na pinaniniwalaang kasapi ng communist terrorist group Yakal Platoon, Sub-Regional Committee Browser ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC), sa Barangay Sto. Niño, Paranas, Samar.
Nagawang makaatras ng mga NPA subalit bandang alas-8:00 ng umaga ay muli na naman silang nasabat ng panibagong tropa mula sa 87IB na nagsilbing blocking force.
Dito napatay ang dalawang NPA at nagresulta sa pagbawi sa isang M16 rifle, isang caliber .45 pistol, dalawang International Humanitarian Law (IHL) banned anti-personnel mines, isang rifle grenade, mga magazine at bala at iba pang war materiel.
Kaugnay nito, nagpahatid ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng mga napaslang si Brigadier General Lenart Lelina, commander ng 801st Infantry Brigade. Kasabay nito ang panawagan sa nalalabing CTGs member na samantalahin na ang alok na kapayapaan at pagbabagong buhay ng Marcos administration.
Pinasalamatan naman ni 8ID Commander Major General Adonis Ariel Orio ang aktibong kooperasyon ng mga residente sa kanilang kampanya na mawakasan na ang suliranin sa armadong pakikibaka ng mga ligaw na ideolohiyang ipinaglalaban ng CPP-NPA.
“This is our strong response to the wishes of our people to be free from the continuous threats of the remaining terrorists. We will continue to scour every mountain of Eastern Visayas until we get rid of the last CTG member,” babala ni Maj. Gen. Orio. (JESSE KABEL RUIZ)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)