CAVITE – Bumulagta ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang manlaban umano sa mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa magkahiwalay na insidente sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga napatay na sina Rodel Lomeda at Joemar Empleo, 62-anyos. Pinaghahanap naman ang kasama ng dalawa na sina Christopher Odivillas at isang John Doe na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat ni Corporal Philip Lainez ng Alfonso Police, dakong alas-11:15 noong Huwebes ng gabi nang nagsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Luksuhin, Ilaya, Alfonso, Cavite ang mga operatiba ng Drug Enforcement Group (DEG) ng Alfonso MPS kung saan nakipag-transaksyon si Lomeda at kasama nito.
Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, nahalata ng dalawa na pulis ang kanilang katransaksyon kaya nagbunot ng baril si Lomeda at ipinutok sa awtoridad ngunit nagmintis.
Gumanti ng putok ang pulis na nagresulta sa pagkamatay ni Lomeda habang nakatakas ang kasamahan nito sakay ng isang motorsiklo.
Dakong ala-1:00 nitong Biyernes ng madaling araw, nagsagawa buy-bust operation ang mga operatiba ng Dug Enforcement Group (DEG) ng GMA MPS sa #1558 Excess Lot, Brgy. Pulido, GMA, Cavite kung saan nakipagtransaksiyon sina Empleo at Odivillas sa poseur buyer.
Ngunit sa kalagitnaan ng transaksiyon ay napuna ng dalawa na pulis ang buyer kaya nagbunot ng baril si Empleo at ipinutok sa awtoridad ngunit hindi tumama. Gumanti ng putok ang pulis na nagresulta sa kamatayan ni Empleo habang nakatakas naman si Odivillas. (SIGFRED ADSUARA)
165
