TININTAHAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act 11546 na naghahati sa Bulacan sa apat na distrito para maging six legislative districts.
Dahil dito, magiging anim din ang ihahalal na mga kinatawan sa nasabing mga distrito.
Base sa batas, ito ay magiging epektibo sa national at local elections sa 2022 at kailangan din manatili at tapusin ng apat na kinatawan ang kanilang termino sa kanilang nasasakupan ngayon.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, malaking tulong ito para sa mga bayan dahil sa karagdagang benepisyo na matatanggap mula sa pamahalaang nasyunal bukod pa ang mga proyekto na manggagaling sa mga kongresista.
Sinabi naman ni Rep. Lorna Silverio ng Ikatlong Distrito: “The whole of Bulacan will benefit with the creation of two new districts. Equal representation in Congress will mean a lot for the new districts.”
Paliwanag ni Mayor Ambrosio “Boy” Cruz, ang presidente ng League of Municipalities of the Philippines-Bulacan chapter, lahat umano ng additional na distrito ay magkakaroon ng hiwalay na dagdag pondo.
Kapag ipinatupad na ang RA 11546, ang mga Congressional District ng Bulacan ay magiging anim kung saan ang 1st District ay kabibilangan ng mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, Paombong, Pulilan, Bulakan, at lundsod ng Malolos; Sa 2nd District naman ay maiiwan ang bayan ng Baliwag, Bustos, at Plaridel habang sa 3rd District ay ang San Ildefonso, San Miguel, San Rafael, at Donya Remedios Trinidad.
Ang mga bayan naman ng 4th District ay kapapalooban ng Obando, Marilao, at lungsod ng Meycauyan.
Ang mga nahiwalay na bayan mula sa 2nd District ang siyang inilagay sa 5th District gaya ng Guiguinto, Balagtas, Bocaue, at Pandi habang ang mga bayan na buhat naman sa 3rd at 4th District gaya ng Santa Maria, Norzagaray at Angat ang nakapaloob sa 6th District.
Ang lungsod ng San Jose del Monte ay mananatiling Lone District ng lalawigan. (ELOISA SILVERIO)
206
