BATANGAS – Natangay ng dalawang holdaper ang P4 milyong halaga ng salapi na idedeposito sana sa banko sa katanghaliang tapat sa Lipa City sa lalawigang ito, noong Huwebes.
Batay sa report ng Lipa City Police, dala ng mga biktimang sina Lourence Arandia at Nick Domingo ang pera na nakasilid lamang sa eco bag para ideposito sa UCPB.
Sakay ang mga biktima ng electronic bike ngunit sinundan ang mga ito ng mga holdaper na magkaangkas sa motorsiklo sa P. Torres St. sa Barangay 11.
Binangga ng mga suspek sa likuran ang E-bike kaya tinangka ng nagmamanehong si Arandia na takasan ang mga holdaper ngunit hinabol sila ng mga ito at tinutukan ng baril.
Inagaw ng mga suspek ang eco bag kay Domingo at tinangay ang pera na pag-aari ng negosyanteng si Madelaine Arandia.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang hindi kilalang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
246
