TIMBOG sa magkahiwalay na anti-narcotics operation ng PNP-PRO5 na pinamumunuan ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, ang dalawang notorious drug personality sa Camarines Norte at Albay, ayon sa ulat ng Bicol PNP.
Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office chief, P/Major Malou
Calubaquib, nadakip sa ikinasang anti-illegal drugs operation sa Purok-1, Barangay VI, Daet, Camarines Norte ang 50-anyos na si Rodolfo Velez Obnamia Jr. na kabilang sa Database on Illegal Drugs ng PNP.
Si Obnamia ay arestado sa aktong nagbebenta ng droga at nakuhanan ng
selyadong plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu, buy-bust
money at anim pang maliliit na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng ilegal na droga.
Samantala, sa Purok 10, Brgy. Homapon sa Lungsod ng Legazpi, nasakote rin ang umano’y drug pusher na kinilalang si Michael Aycocho Reniva, 25 anyos, residente ng Purok 2, Washington Drive, Brgy. Bagumbayan ng nasabing lugar. Si Reniva ay kasama rin sa listahan ng Database on Illegal Drugs.
Ang suspek ay nahuli sa pamamagitan ng ipinaabot na impormasyon ng isang concerned citizen.
Sa ikinasang operasyon, naaktuhan ang suspek habang nagbebenta ng dalawang selyadong plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu, sa isang pulis na umaktong poseur buyer, kapalit ang P10,500. (JESSE KABEL)
