PATAY ang isang hinihinalang drug pusher makaraang umano’y manlaban sa mga awtoridad habang tatlong iba pa ang nadakip sa magkahiwalay lugar sa lalawigan Bulacan noong Miyerkoles.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial Director ng Bulacan PNP, ang suspek na si Nestor Sumido Jr., 33-anyos, kabilang sa drug watchlist ng PNP/PDEA at topmost wanted persons.
Ayon sa ulat, dakong alas 7:15 ng umaga nitong Miyerkoles, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Ismael Conde Gauna, SJDM City Police chief, sa Brgy. Sto. Cristo sa nabanggit na lungsod ngunit nanlaban umano ang suspek na nagresulta sa pagkamatay nito.
Habang tatlong drugs suspect pa ang nadakip ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) sa buy-bust operation sa Barangay Sta. Rosa 1, Marilao, Bulacan noong Miyerkoles.
Samantala sa Cavite, patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga habang sugatan ang isang pulis at arestado ang isa pang drug pusher sa palitan ng putok sa ikinasang buy-bust operation sa Dasmariñas City sa lalawigang ito.
Kinilala ag napatay na suspek na si Ernesto Vina, nasa hustong edad, ng NIA Road, Brgy. Paliparan 1, Dasmariñas City, habang sugatan si P/SSgt. Danirey Bohulano, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Dasmariñas City Police Station, dahil sa tama ng bala sa kamay.
Arestado naman ang kasamahan ni Vina na si Juric Soriano, 34, ng Bina Compound, NIA Road ng nasabi ring barangay.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. George Fajardo, dakong alas- 6:45 ng gabi noong Miyerkoles nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa nabanggit na lugar.
Sa kalagitnaan ng transaksiyon, nahalata ng mga suspek na pulis ang kanilang kausap dahilan upang magbunot ng baril at pinaputukan si Bohulano na tinamaan sa kamay.
Gumanti naman ng putok ang ibang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ni Vina at pagkakaaresto kay Soriano. (GINA BORLONGAN/SIGFRED ADSUARA)
