2 WANTED ARESTADO SA MPD SACLEO

DALAWANG wanted person ang magkasunod na nadakip sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng MPD Moriones Police Station 2, ayon sa direktiba ni Manila Police District- Director, Police Brigadier General Andre Perez Dizon, sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay City at sa Sampaloc, Manila, noong Sabado.

Unang inaresto bandang alas-10:30 ng umaga sa tapat ng Pasay City General Hospital ang suspek na si John Robin Padilla, 31, ng Brgy. 4, Zone 2, Pasay City.

Ayon kay Police Lieutenant Harry Ruiz Lorenzo III, station commander, ang suspek na si Padilla ay nasa talaan bilang top 3 most wanted person, station level.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding JudgeJehan Batua Sampao- Hassiman, ng Family Court, Regional Trial Court, Branch 11 ng Pasay City, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 (Anti- Rape Law of 1997) na may petsang Setyembre 20, 2022.

Samantala, sa operasyon sa Sampaloc, Manila nadakip naman ng mga awtoridad ang isang top 4 most wanted person.

Kinilala ang suspek na si Cecilio Bongat, 50, ng Franco St., Tondo.

Ayon kay P/Lt. Col. Lorenzo, bandang alas-1:30 ng hapon noong Sabado nang arestuhin si Bongat sa pinagtataguan nito sa Moret St. sa Sampaloc.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Mariesther Vedana ng Regional Trial Court, Branch 48 ng Manila, dahil sa kasong acts of lasciviousness in relation to RA 7610 (child abuse). (RENE CRISOSTOMO)

148

Related posts

Leave a Comment