(TOTO NABAJA/JESSE RUIZ)
ISINUKO ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang kanyang 20 lisensyadong baril sa Philippine National Police (PNP) kasabay ng kanyang boluntaryong pagsuko sa CIDG sa Camp Crame nitong Lunes ng gabi.
Ito ay kasunod ng paglalabas ng warrant of arrest ng Sandiganbayan kaugnay ng umano’y P92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, boluntaryo ang pagsuko ni Revilla ng kanyang mga armas alinsunod sa umiiral na batas. Inamin din ng kalihim na personal niya umanong hinikayat ang dating senador na sumurender.
“Mas mahirap kung magtatago siya. Kaya sinabi ko, mag-surrender na,” ani Remulla.
Matapos ang pagsuko, dumaan si Revilla sa standard booking at custodial procedures sa CIDG. Ayon sa PNP, naging maayos ang kanyang pananatili at maayos din ang kanyang kalusugan batay sa isinagawang medical examination.
No Special Treatment – DILG
Kasabay nito, iginiit ni Remulla na walang special treatment na ibinigay kay Revilla.
“I assure you, walang magiging special treatment,” diin ng kalihim.
Ibinahagi ni Remulla na personal siyang tinawagan ni Revilla matapos malaman ang paglabas ng warrant of arrest.
“He was made to go through the entire process kung paano magtanggap ng isang voluntary surrender,” dagdag pa niya.
Bilang bahagi ng proseso, obligado ring isuko ni Revilla ang lahat ng kanyang lisensyadong armas, na umabot sa 20 piraso.
Kahapon ng umaga, dinala si Revilla sa Sandiganbayan para sa return of warrant, kung saan ang korte na ang magpapasya kung saan siya idedetine.
“Wala na po sa kamay namin ‘yan,” ani Remulla.
Nilinaw rin niya na hindi na maaaring gamitin ang Camp Crame Custodial Center dahil ito ay nakatakdang i-demolish ngayong buwan para sa bagong PNP headquarters.
‘Kasabwat’ Huli sa Benguet
Samantala, inaresto ng mga awtoridad ang kapwa akusado ni Revilla na si Christina Mae del Rosario Pineda sa Barangay Bangai, Buguias, Benguet madaling-araw ng Martes, Enero 20.
Si Pineda ay cashier ng DPWH Bulacan First District Engineering Office at iniuugnay sa parehong kasong malversation kaugnay ng ghost flood control project.
Siya ay kabilang sa pitong inisyuhan ng arrest warrant at hold departure order ng Sandiganbayan Third Division.
Bukod kay Revilla, nauna nang inaresto ng NBI ang mga opisyal ng Bulacan 1st District Engineering Office na sina Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig at Juanito Mendoza, habang si Pineda naman ay nadakip ng CIDG.
Kulong sa New QC Jail
Plano ng PNP na ilipat si Revilla sa New Quezon City Jail sa Payatas, ayon kay PNP-PIO chief PBGen. Randulf Tuaño.
Aniya, matapos ang return of warrant sa Sandiganbayan ay diretso na itong idedetine sa New QC Jail, dahil hindi na tumatanggap ng detainees ang Camp Crame Custodial Facility na kasalukuyang isinasailalim sa renovation.
Pagharap sa Kaso
Agad namang nagbigay ng kanyang pahayag ang anak ni Revilla na si Cavite Rep. Jolo Revilla.
Aniya, hindi pag-iwas sa batas ang ginawa ng kanyang ama kundi pagharap sa mga alegasyon.
Dagdag pa niya, nananatili ang tiwala ng kanyang ama sa due process at legal institutions ng bansa.
“As a son, this is a difficult moment for our family. As a legislator, I recognize the importance of accountability and the integrity of due process. In this light, we respectfully call for fairness—fair treatment under the law, fair judgment based on evidence, and fairness in public discourse that refrains from trial by publicity,” ayon sa kongresista.
Nanawagan din si Rep. Revilla sa publiko at media na iwasan ang trial by publicity at hayaan ang korte na magdesisyon batay sa ebidensya.
Pinuri ng Malakanyang
Pinuri naman ng Malakanyang ang kusang-loob na pagsuko ni Revilla.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, isang “magandang gesture” ang ipinakita ng dating mambabatas dahil pinatunayan nitong handa siyang harapin ang mga akusasyon laban sa kanya at sumunod sa itinatakda ng batas.
Gayunman, sinabi ni Castro na sana ay ma-appreciate ng taumbayan ang hakbang ni Revilla, lalo’t hindi umano ito ginagawa ng ilang iba pang akusado.
Aniya, kabaligtaran ang asal ng iba na patuloy umanong nagtatago habang may ilan pa na lumipad na palabas ng bansa upang iwasan ang pananagutan.
(May dagdag na ulat sina BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
55
