TINATAYANG mahigit 200 barangay ang lubog sa tubig-baha habang 11,550 pamilya ang inilikas sa mga evacuation center bunsod ng malakas na pag-ulan dulot ng Hanging Habagat o Southwest Monsoon sa lalawigan ng Bulacan.
Base sa situation report (sitrep) ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Operations Center, ang binahang mga barangay ay mula sa halos lahat ng munisipalidad at lungsod sa lalawigan kung saan ang pinakanasalanta ng mataas tubig-baha ay ang bayan ng Calumpit na halos lahat ng 26 barangay dito ay nakaranas ng pagbaha na 1 hanggang 6 talampakang taas ng tubig.
Pinakanasalanta ay ang Barangay Maysulao at San Miguel.
Nabatid na ang lalawigan ng Bulacan, ayon sa PDRRMO, ay nasa Blue Alert Status.
Sa 2:00 pm weather advisories ng PAGASA, ang Bulacan ay under Red and Orange Rainfall Warning at nakaranas ng moderate rains with occasional heavy rains.
Ayon kay PDRRMO HEAD Manuel Lukban, as of August 30, 2026 10:00 am, ang kabuuang bilang ng inilikas na evacuees ay 11,550 families o 40,622 individuals.
Samantala, iniutos ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang mahigpit na monitoring sa lahat ng flood-affected areas para sa agarang rescue operation sa mga apektado na kailangan ng tulong para ilikas.
Patuloy rin ang relief operation ng provincial government sa mga nasalanta kung saan umabot na sa 85,000 pamilya ang nabigyan ng initial food packs.
Nabatid na bagama’t tumila na ang pag-ulan ay mayroon pa rin mga lugar ang lubog pa rin sa 1-3 talampakang tubig-baha.
(ELOISA SILVERIO)
133 