UMBAGERONG ANAK IPINAKULONG NG SARILING AMA

TULUYAN nang ipinakulong ng isang ama ang kayang anak dahil sa pagmamaltrato at pananakit sa kanya sa Dasmariñas City, Cavite noong Linggo ng umaga.

Nakakulong ngayon sa Dasmariñas Component City Police Station ang suspek na si alyas “Marlon”, 22, walang trabaho, dahil sa reklamo ng kanyang ama na si alyas “Nestor”, 65, isang scavenger, kapwa residente ng Brgy. Salitran 2, Dasmariñas City, Cavite.

Ayon sa ulat, nakaupo ang biktima sa loob ng kanilang bahay bandang alas-7:45 ng umaga sa Brgy. Salitran 2, Dasmariñas City nang walang kadahi-dahilan ay pinagmumura ito ng kanyang anak.

Sinabi ng ama na huwag siyang murahin subalit imbes na tumigil, kumuha ng payong ang suspek at hinampas sa ulo ang biktima ng matulis na dulo nito. Bunsod nito, nagkaroon ng bukol at sugat sa ulo ang biktima.

Humingi naman ng tulong ang biktima sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Ayon sa mga kapitbahay ng mag-ama, minamaltrato at sinasaktan ng suspek ang kanyang ama.

Nahaharap ang suspek sa kasong physical injuries.

(SIGFRED ADSUARA)

96

Related posts

Leave a Comment