200K PINOY MIGRANT WORKERS, NAIUWI NA SA PINAS

PUMALO na sa mahigit 200,000 Filipino migrant workers ang naiuwi sa Pilipinas simula nang pumutok ang coronavirus pandemic.

Inaasahan na mas marami pa ang uuwi ng bansa.

Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi na 200,223 OFWs ang nakabalik na ng kani-kanilang mga bayan habang inaasahan naman na may 80,000 pa ang pauuwiin batay sa report ni Labor Sec. Silvestre Bello III.

Aniya, ang labi naman ng mga OFW sa Saudi Arabia na nakauwi na ng Pilipinas ay umabot na sa 261.

Ani Sec. Lorenzana, may 164 ang kumpirmadong COVID-19 cases, habang ang iba naman ay namatay dahil sa ibang rason.

Matatandaang noong Hulyo, hiniling ng Middle Eastern country sa mga opisyal ng Pilipinas na iuwi na ang labi ng 282 Filipino na nasa kanilang bansa kabilang na ang 50 na namatay dahil sa coronavirus.

Aniya pa, may 1,570 Filipinos ang nakabalik na ng Pilipinas mula Sabah, at 400 naman ang inaasahan na makauuwi ng bansa, bukas, araw ng Miyerkoles.

“Ang natitira pa po doon sa Sabah ay 3,300,” ayon sa Kalihim.

Nilinaw nito na 1,570 ang “repatriated” at hindi “deported”.

Ang mga Filipino migrant worker ay nagsimulang mag-uwian noong Marso nang mabilis na kumalat at tumaas ang kaso ng coronavirus.

Napilitan na kasi ang mga establisimyento at negosyo na pansamantalang magsara sa lahat ng bansa dahilan upang marami ang nawalan ng hanapbuhay at kita. (CHRISTIAN DALE)

121

Related posts

Leave a Comment