“HINDI ito ang bloodbath na inaasahan namin”.
Sagot ito ng spokesman ng Prosecution panel na si Atty. Antonio “Audie” Bucoy sa answer ad cautelam ni Vice President Sara Duterte sa impeachment case na indikasyon na umiiwas umano ito sa kanyang unang pahayag na bloodbath.
Matatandaang sinabi ni Duterte na nais nitong matuloy ang impeachment trial at gusto niya ng bloodbath subalit taliwas umano ito sa naging sagot ng Bise Presidente sa pamamagitan ng kanyang mga abogado sa writ of summon ng Impeachment Court.
Ipinaliwanag ni Bucoy na imbes sagutin ng diretso ni Duterte ang mga alegasyong nakapaloob sa impeachment case ay idinaan nito sa technical procedure para makaiwas o hindi matuloy ang paglilitis.
“Yung kanyang sagot wala ho siyang factual nor legal grounds ukol dun sa factual allegations ng impeachment complaint. It was all procedural. Eto yung tinatawag na wagging the dog na mas pinapalitaw na mas importante ang procedure kesa constitutional law ang principles, substance,” ani Bucoy.
“Ang importante ay substances, those who cannot address the substance they rely on technical procedure which is what she did here,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Prosecution team sa press conference kahapon ng hapon.
Gayunpaman, inaasahan na umano ng mga ito ang aksyon ng Bise Presidente na ilihis ang usapin sa procedural dahil malakas ang ebidensya na magdidiin sa kanya sa impeachment case.
Subalit sa ayaw at sa gusto aniya ni Duterte ay matutuloy ang impeachment trial dahil sumagot ito sa writ of summon ng Impeachment court kung saan kinastigo rin nito ang depensa sa pagsasabing basura ang kaso.
Nilinaw rin ng abogado na hindi maaaring igiit ng kampo ni Duterte ang one year bar rule dahil ang unang tatlong impeachment case na isinampa noong December 2024 ay hindi nai-refer sa House committee on justice samantalang ang ikaapat na reklamo ay hindi na kailangang dumaan sa nasabing komite dahil mahigit 1/3 sa kabuuang miyembro ng Kamara ang nag-endorso dito.
‘Di Na Ikinagulat
Samantala, hindi na ikinagulat ng Prosecution panel ang sagot ni Duterte sa impeachment case dahil sa simula pa lamang ay ito ang tinutumbok niya.
Kabilang sa nilalaman ng 34 pahinang sagot ni Duterte ay pagkuwestiyon sa bisa ng impeachment complaint dahil umano sa paglabag sa ‘one year bar’ rule ng Konstitusyon dahil ang inakyat sa Impeachment court ay ikaapat na reklamo na inihain noong Pebrero 2025 samantalang may tatlong naunang naihain noong December 2024.
Gayunpaman, sinabi House prosecutor Rep. Joel Chua na walang bigat ang sagot ni Duterte dahil sa simula’t simula ay ito umano ang tinutumbok ng kampo nito at maging ang ilang senator-judges tulad ni Sen. Ronald “Bato’ Dela Rosa.
Bukod sa Senate Impeachment Court ay nakatanggap din ang Prosecution Team ng sagot ni Duterte kung saan bukod sa paglabag umano sa saligang batas na ang ikaapat na impeachment case ang inakyat ng Kamara ay ‘basura’ ang mga reklamong isinampa sa kanya dahil pawang walang basehan kaya iginiit na hindi ito pwedeng tumawid sa 20th Congress.
“Makakaasa po kayo na ito ay sasagutin namin punto por punto,” ani Chua na binigyan lamang ng Impeachment court ng 5 araw, nagsimula noong Lunes, June 23, para maghain ng sagot.
“Certainly, we will be filing a Reply within 5 days from receipt as provided in the Rules,” ayon naman kay Batangas Rep. Jinky Luistro na kabilang sa 11 prosecutors.
(BERNARD TAGUINOD)
