SUGATANG TERORISTA ARESTADO SA SULTAN KUDARAT

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Isang miyembro ng lokal na teroristang grupong Dawlah Islamiyah – Hassan Group ang naaresto ng tropa ng 1st Brigade Combat Team (1BCT) matapos itong masugatan sa engkwentro bandang alas-5:40 ng umaga noong Hunyo 22, 2025, sa Barangay Alamada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Kinilala ang nadakip na si Kamsa Budjal, kilala rin sa mga alyas na “Ustads”, “Ali”, at “Oding”. Si Budjal ay miyembro ng DI-Hassan Group, isang kilalang ekstremistang armadong grupo, na may kaunti na lamang na bilang – dahil sa mas pinalakas na opensiba ng militar laban sa kanila.

Ayon kay Brigadier General Jose Vladimir R. Cagara, commander ng 1BCT, si Budjal ay sugatan nang siya ay madakip matapos ang inilunsad na operasyon ng mga sundalo na nagresulta sa palitan ng putok sa pagitan ng kanyang grupo at ng tropa ng pamahalaan.

Nakarekober ang mga sundalo ng isang M653 rifle, isang M16 AI, isang shotgun, medical paraphernalia, mga bala, mga magasin, cellphones, mga sangkap para sa paggawa ng improvised explosive devices (IEDs), mga subersibong dokumento, at iba pang kagamitan makaraan ang engkwentro sa lugar.

“Bagama’t siya ay kabilang sa kalaban ng estado, agad nating isinailalim sa gamutan si Budjal. Patunay ito na ang ating sandatahang lakas ay naninindigan sa makataong pagtrato kahit sa mga sumasalungat sa ating pamahalaan. Ang pagkakahuli sa kanya ay isang malaking dagok sa kanilang maliit na grupo, at sa parehong pagkakataon, ay napigilan natin ang posibleng planong pananabotahe laban sa ating mga komunidad,” ani Brig. Gen. Cagara.

Samantala, pinuri naman ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, at pinuno ng Joint Task Force Central, ang tagumpay ng operasyon.

“Ipinakita ng ating tropa ang mataas na antas ng propesyonalismo at dedikasyon sa serbisyo. Ang matagumpay na operasyong ito ay isang panibagong hakbang sa ating patuloy na pagsugpo sa terorismo at pagprotekta sa ating mga mamamayan. Sa mga natitirang miyembro ng teroristang grupo, panahon na upang isuko ninyo ang inyong armas at mamuhay nang mapayapa. Nasa kamay ninyo ang pagkakataong magbago at makiisa sa ating adhikain para sa kapayapaan ng rehiyon,” pahayag ni Maj. Gen. Gumiran.

(JESSE KABEL RUIZ)

31

Related posts

Leave a Comment