Ni ANN ENCARNACION
BAGO at lumang team ni Coach Yeng Guiao ang magsusukatan ng galing sa 2022 PBA Commissioner’s Cup bukas (Biyernes).
Nakatakdang magharap ang former squad na NLEX at new team Rain or Shine ni Coach Yeng, alas-5:45 ng hapon sa Philsports Arena.
Matatandaang si Guiao ang dating mentor ng ROS, na pinamunuan niya sa dalawang kampeonato mula 2011 hanggang 2016.
Kaya nang mag-resign sa NLEX ay hindi nag-atubili ang Elasto Painters na kunin siyang muli.
Kabilang sa mga pagbabagong ginawa ni Guiao sa pagbabalik sa dating koponan ay palitan ang import na si Daniel Ochefu.
Si 6-foot-9 Steve Taylor ang papalit sa 6-foot-10 na si Ochefu, American-Nigerian player na kinuha ni former ROS coach Chris Gavina para sa Commissioner’s Cup.
AYO MABIBINYAGAN
MAUUNA sa tapatan ng ROS at NLEX ang debut game sa liga ni Coach Aldin Ayo ng Converge, na sasabak kontra Terrafirma sa alas-3 ng hapon.
Makalipas ang dalawang araw (Setyembre 25), mas matinding laban ang susuungin ni Ayo at ng kanyang team kontra crowd-favorite Barangay Ginebra sa Mall of Asia Arena.
Samantala, napagpasyahan ng PBA Board na gawin ang 15 sa 30 playdates ng Commissioner’s Cup sa Philsports Arena.
Ang Philsports (dating ULTRA) ay gagamiting muli ng liga mula nang i-renovate ito bago ang 2019 Southeast Asian Games.
