Ni ANN ENCARNACION
SAMANTALAHIN ang momentum ang kapwa hangad ng defending champion TNT Tropang Giga at San Miguel Beer, na lamang na ng tig-isang panalo kontra Magnolia Hotshots at Meralco Bolts (ayon sa pagkakasunod), sa krusyal na Game 2 ng best-of-seven semifinals ng 2022 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Mas mauuna ngayon ang laro ng SMB kontra Meralco sa alas-3 ng hapon, bago ang tapatan ng TNT at Magnolia sa alas-6 ng gabi.
Pinamunuan ni Rodney Brondial ang Beermen sa 121-97 paglampaso sa Bolts noong Miyerkoles, habang nanguna si Michael “Mikey” Williams sa Tropang Giga sa 108-96 pagdurog sa Hotshots.
Napanatili naman ng magkakamping sina June Mar Fajardo at CJ Perez ng SMB ang kanilang pangunguna sa karera para sa PBA Philippine Cup Best Player of the Conference.
Si Fajardo ay nanatiling no. 1 sa standing na may kabuuang statistical points na 42.7, kasunod si Perez na may 39.7 sa pagtatapos ng quarterfinal round.
Ang 32-anyos na si Fajardo ay may average na 17.9 puntos, league-best 13.3 rebounds, 3.7 assists, 1.1 steals at 1.5 blocks kada laro.
Si Perez naman ay may 17.5 points, 7.4 rebounds, 6.0 assists at 2.4 steals per game.
Nasa pangatlo hanggang ikalimang pwesto ang Barangay Ginebra trio nina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, at Christian Standhardinger.
3 ‘PASAWAY’ MULTADO
PINAGMULTA ng PBA sina LA Tenorio at Prince Caperal ng Barangay Ginebra at Meralco guard Franky Johnson dahil sa magkahiwalay na insidente sa quarterfinals ng Philippine Cup.
Pinatawan ang Ginebra team captain na si Tenorio ng kabuuang P20,000 multa dahil sa kanyang mga komento na itinuring na ‘nakakapinsala sa liga’ matapos ang 106-104 pagkatalo ng Kings sa Bolts sa matira-matibay na Game 3 noong Linggo sa Mall of Asia Arena.
Ang kakampi ni Tenorio na si Caperal ay pinagmulta naman ng P10,000 matapos ang kanyang ikalawang flagrant penalty 1 sa Game 3.
Si Caperal ay unang napatawan ng F1 sa Game 2 ng serye kaugnay sa insidente kay Chris Newsome ng Meralco.
Si Johnson naman ay pinatawan ng P20,000 multa matapos ihagis ang bola kay Christian Standhardinger sa gitna ng pagtatalo sa warmup bago ang Game 2.
287 