2022 The World Games BIADO BYAHENG SEMIS

Ni ANN ENCARNACION

AMINADONG ‘dinaga’ o kinabahan si defending champion Carlo Biado bago ‘sinipa’ si World No.3 Albin Ouschan ng Austria, 11-7, upang umusad sa semifinals ng men’s 9-ball singles sa The World Games sa Birmingham, Alabama, USA.

Nasubok ang katatagan ng US Open at 31st Southeast Asian Games champ na si Biado matapos maiwanan, 4-6 sa simula ng laban. Mula rito ay unti-unting nakakuha ng kumpiyansa ang Pinoy bago pinatalsik ang Austrian.

“Nagpapasalamat ako kay Rubilen (Amit), mabuti na lamang at nandiyan siya na nagpapa­kalma sa akin sa tuwing nakakadama ako ng nerbiyos,” wika ni Biado, nagtatanggol na kampeon sa huling TWG noong 2017 sa Wraklow, Poland.

Ngayon lang muli nagbalik ang torneo ­simula nang sumabog ang ­COVID-19 pandemic.

Sunod na makakaharap ni Biado si Joshua Filler ng Germany para sa isang silya sa finals.

Pinatalsik ng German ang kasalukuyang World No.1 na si Shane Van Boening ng U.S., 11-3, sa race-to-11 alternate break format.

Samantala, nakatakda rin sumabak si dating World women’s 10-ball champion Rubilen Amit sa semifinals.

Maliban sa dalawang cue artists, ang iba pang Pinoy na palaban sa ­naturang torneo ay sina Annie Ramirez, Jiu-jitsu women’s Newaza -57kg; Phillip Delarmino, Muaythai men’s -57kg; at Leeana Bade, quarterfinals ng women’s -63.5kg event.

127

Related posts

Leave a Comment