Nasabat ng Bureau of Customs – Port of NAIA (BOC-NAIA) ang libo-libong gamot na IVERMECTIN at iba pang regulated drugs mula sa isang shipment na inimport ng Finstad Inc. mula sa New Delhi, India.
Ayon sa Customs examiner, ang nasabing mga gamot kasama ang kontrobersyal na Ivermectin ay nakalagay sa gitnang bahagi ng subject shipment at natatakpan ng iba pang deklaradong regulated items matapos isagawa ang 100% physical examination ng BOC-NAIA.
Ang nasabing mga kalakal ay idineklara bilang “Food Supplements, Multivitamins at Multi-Mineral Capsules”.
Ayon kay Director Jesusa Joyce N. Cirunay ng Center for Drug Regulation and Research ng Food and Drug Authority, ang Ivermectin sa kasalukuyan ay nasa ilalim pa lamang ng tinatawag na compassionate use sa ilang Specialized Institutions na may otorisasyon ng FDA sa pamamagitan ng Compassionate Special permit (CSP).
Pero mahigpit na ibinilin ni Director Cirunay, na wala pang inilalabas na otorisasyon ang FDA para sa anumang kumpanya na mag-import nito mula sa ibang mga bansa.
Bilang pagsunod sa direktiba ni Bureau of Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, ang Bureau of Customs NAIA ay nananatili sa kanilang pinabilis na proseso at pag-release ng COVID-19 vaccines, drugs at iba pang medical supplies.
Subalit mahigpit din sila sa pagbabantay at pagpapalakas sa border security at protection para mawala ang lahat ng tangkang smuggling ng unregistered, undeclared goods and/or misdeclared goods na walang mga kaukulang clearance and permits mula sa FDA.
(Joel O. Amongo)
