HOMEOWNERS SA LAGUNA NAGKAISA LABAN SA DUES HIKE

STA. ROSA CITY, Laguna — Buong pagkakaisang nananawagan sa pamahalaang lungsod ng Santa Rosa ang homeowners ng Villa Caceres Estate upang obligahin ang kasalukuyang Board of Directors ng kanilang samahan na maglabas ng audited financial report at actuarial studies kaugnay ng isinusulong nitong halos 200 porsiyentong pagtaas sa buwanang homeowners’ dues.

Ayon sa mga residente, mahalagang maipakita muna ng pamunuan ang malinaw at detalyadong ulat pinansyal bago ipatupad ang anomang dagdag-singil. Giit nila, karapatan ng bawat miyembro ng asosasyon na malaman kung paano ginagastos ang kanilang mga kontribusyon at kung may sapat na batayan ang planong pagtaas ng bayarin.

Nakatakda sanang isailalim sa referendum ang panukala ngayong Pebrero 28, ngunit pansamantalang napigilan ito matapos magpahayag ng kolektibong pagtutol at pagprotesta ang maraming homeowners.

Ayon sa ilang residente, kinakailangan muna ang isang maayos at bukas na talakayan sa pamamagitan ng General Assembly bago magsagawa ng anomang botohan.

Umaasa ang mga homeowners na agad magpapatawag ng General Assembly ang Board of Directors upang maipresenta ang audited financial statements, actuarial studies, at iba pang dokumentong magbibigay-linaw sa pangangailangan at batayan ng planong pagtaas ng dues.

Iginiit ng grupo na ang kanilang panawagan ay hindi laban sa sinomang opisyal kundi isang hakbang upang matiyak ang transparency, accountability, at maayos na pamamahala sa kanilang komunidad.

1

Related posts

Leave a Comment