21K TRABAHO ILALATAG SA DOLE ONLINE JOB FAIR

MAHIGIT 21,000 trabaho ang ilalatag ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilulunsad nitong “electronic job fair” sa Disyembre 10 at 11.

Ang nasabing job vacancies na makikita sa official website ng DOLE, ay kabilang ang mga trabahong kailangan sa ibang bansa, pahayag ni Secretary Sylvestre Bello III.

Ani Bello, maraming bansa ang nangangailangan ng mga nurse, nursing aides, care workers, engineers, manggagawa sa mga pabrika at marami pang iba.

Sa rekord ng DOLE, 16 lisensyadong manpower agencies ang mag-aasikaso ng job vacancies sa ibang bansa.

Umabot naman sa 600 kumpanyang lokal ang nangangailangan ng mga bagong manggagawa.

Ani Bello, idinaan sa online ang aplikasyon upang umiwas sa “mass gathering” na patuloy pa ring ipinagbabawal ng Inter-Agency Task for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Iginiit ng IATF, ang pagsama-sama at paglapit-lapit ng mga tao ay isa sa mga nagiging sanhi ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ang kailangang gawin ng mga aplikante ay ihanda ang kailangang mga rekesitong hihingiin ng mga kumpanya tulad ng resumé o curriculum vitae, certificate of employment at iba pa, paalala ni Bello.

Ang pag-aalok ng DOLE ng trabaho ay nakabatay sa milyon-milyong Filipino na nawalan ng hanapbuhay hanggang ngayon mula nang isailalim sa samu’t saring uri ng lockdown ang bansa dahil sa COVID-19.

Ayon sa tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition at pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) na si Atty. Jose Sonny Matula, umiiral ngayon ang “job crisis” sa bansa dahil sa sobrang dami ng mga manggagawang walang hanapbuhay sa kasalukuyan. (NELSON S. BADILLA)

87

Related posts

Leave a Comment