22 MANGINGISDANG NAKULONG SA MALAYSIA, BINIGYAN NI SENATOR ERWIN TULFO NG KUMPLETONG FISHING GEAR

NAGHATID si Senator Erwin Tulfo nitong Sabado, Marso 7, 2026, ng kumpletong fishing gear at tulong pinansyal para sa 22 mangingisdang taga-Palawan na kamakailan ay na-repatriate mula sa Malaysia matapos ang isang buwang pagkakakulong dahil sa hinihinalang “unauthorized entry”.

Ang mga mangingisda, na nakabalik sa kanilang bayan sa Rizal, Palawan nitong Huwebes, ay nakatanggap ng mga kagamitan gaya ng handheld fish finders, lambat, kawil, at nylon mula sa Senador.

Binigyang-diin ni Tulfo, na tubong-Palawan at tumatayong chairman ng Senate Committee on Foreign Affairs, ang kahalagahan na agad silang makabalik sa kanilang paghahanapbuhay.

“Gusto nating makabangon silang muli matapos ang halos dalawang buwang pagkakakulong sa ibang bansa,” ani Tulfo.

“Hindi lang sila, kundi pati ang kanilang mga pamilya na lubos na nahirapan sa nangyaring ito. Ang mga kagamitang ito ang magsisiguro na makakabalik sila sa laot para muling maitaguyod ang kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag ng mambabatas.

Nasa kustodiya ng Malaysia ang grupo simula pa noong Enero dahil sa unauthorized entry bago pinayagang makauwi matapos ang mga negosasyon sa pagitan ng mga pamahalaan.

“Napakalaking tulong po nito. Noong pinalaya kami, bangka lang ang natira sa amin. Habang pauwi kami, iniisip namin, ano nang gagawin namin? Paano kami babalik sa pangingisda? Mabuti na lang at nagbigay si Sen. Erwin Tulfo ng mga materyales na kailangang-kailangan namin para makatuloy,” Ani Albert Vescano, isa sa mga mangingisda.

Bukod sa tulong, pinaalalahanan din ni Tulfo ang mga mangingisda na maging mapagmatyag sa mga international maritime boundaries upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong insidente.

“Ang layunin natin ay panatilihin ang ating mga mangingisda sa laot at ilayo sila sa panganib. Kailangan nating protektahan ang kanilang buhay at kabuhayan dahil sila ang ating mga ‘food security soldiers’,” pagtatapos ni Tulfo.

103

Related posts

Leave a Comment