271 LOOSE FIREARMS, PORMAL NA IPRINISENTA AT SAKA WINASAK

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte — NASA 271 piraso ng mga kagamitang pandigma ang opisyal na iprinisenta at isinailalim sa ceremonial destruction bilang bahagi ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Program, kasabay ng pamamahagi ng livelihood assistance sa mga benepisyaryo sa Provincial Capitol, Buluan, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Unifier Brigade, ang nasabing mga armas ay kusang isinuko sa iba’t ibang yunit ng kanyang brigade at 1st Mechanized Brigade mula sa 15 bayan bilang suporta sa kampanya kontra sa proliferation of loose firearms sa lalawigan.

Matapos ang presentasyon, agad itong iniharap kina Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang at Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, sa Kalilintad Hall sa kapitolyo.

Dumalo at sumaksi sa aktibidad ang lokal na mga opisyal kabilang sina Congressman Esmael “Toto” Mangudadatu, Dr. Ferdinand Buscato ng OPAPRU, iba pang opisyal ng lalawigan, mga kawani ng kapitolyo, at mga kinatawan mula sa PNP at iba pang security forces.

Ipinakita sa publiko, sa tulong ng media, ang ceremonial destruction ng mga armas kung saan nilagari at winasak ang matataas na kalibre ng baril bilang patunay ng seryosong pagpapatupad ng programa.

Kasabay nito, tumanggap ng cash assistance, bigas, at livelihood support ang mga indibidwal na nagsauli ng loose firearms, bilang bahagi ng programa ng pamahalaang panlalawigan, OPAPRU at ng SALW component ng programang ASPIRE.

“Ito ay bahagi ng ating normalization efforts sa komunidad. Hinihiling ko ang patuloy na partisipasyon ng ating mga opisyal upang mapanatili ang matiwasay na Maguindanao del Sur. Huwag nating hayaang kumapit sa patalim ang ating mga kababayan dahil sa takot na bumalik sa kanilang mga tahanan dulot ng pagdami ng loose firearms,” pahayag ni Gov. Midtimbang.

Samantala, pinuri naman ni Maj. Gen. Cagara ang pamunuan ng Maguindanao del Sur, kasama ang 601st Brigade at 1st Mechanized Brigade, sa kanilang aktibong pakikiisa.

“Ang programang ito ay simbolo ng ating kolektibong hangarin na wakasan ang karahasan at maghatid ng mas maliwanag na kinabukasan sa mga komunidad. Ang mga sandatang ito na dating hawak ng mga lokal na terorista ay patunay na humihina na ang kanilang kapasidad. Naniniwala akong ang tunay na kapayapaan ay nakakamit hindi sa patuloy na pakikibaka, kundi sa maayos na proseso at taos-pusong pagtitiwala sa ating lokal na pamahalaan,” ani Maj. Gen. Cagara.

Nagtapos ang programa sa pagkakaloob ng Tulong-Pangkabuhayan sa mga lokal na lider mula sa iba’t ibang munisipyo bilang dagdag suporta sa mga barangay ng Maguindanao del Sur.

(JESSE RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment