NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs Port of NAIA (BOC-NAIA) ang isang package na naglalaman ng kabuuang 20 endangered tarantula spiders at 8 scorpions na illegally smuggled sa pamamagitan ng Central Mail Exchange Center (CMEC) noong Enero 6, 2021.
Ang dalawamput walong (28) plastic containers na kinalalagyan ng tarantulas at scorpions ay nakita nang buksan ang nasabing package.
Lumalabas sa records na ang bagahe ay nagmula sa Samut Parakain, Thailand na idineklara bilang ”Teaching equipment”, at imported na walang kaukulang import permits.
Ang tarantulas at scorpions ay agad na inilipat at itinurnover sa Department of Environment and Natural Resources Wildlife Traffic Monitoring Unit (DENR WTMU) para sa rehabilitasyon at pag-iingat.
Matatandaan noong nakaraang Oktubre 2020, ang BOC NAIA ay nakasabat din ng 119 tarantulas mula Poland na inilagay sa isang pares ng rubber shoes.
Kaugnay nito, nabatid na ang illegal importation, collection at trade ng endangered wildlife ay may pagkakakulong ng anim (6) na taon at multa ng Php200,000.00 sa ilalim ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Protection and Conservation Act.
Sa kabilang banda, sa ilalim naman ng Section 1401 ng CMTA, ang labag sa batas na importasyon ng goods na nakilatis ang halaga ng mahigit sa Php250,000.00 kasama ng duties and taxes, ay may kaukulang pagkakakulong ng hindi bababa ng mahigit 30-araw subalit hindi lalagpas ng 6 na buwan, o multa na hindi bababa ng Php25,000.00, subalit naman lalagpas ng mahigit sa Php75,000.00.
Ayon kay District Collector Carmelita M. Talusan, ang pagkakasabat ng nasabing mga makamandag na mga wildlife ay pagtupad sa direktiba ni BOC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero sa pinaigting border protection, patuloy na pagbabantay sa air cargo terminals at warehouses 24/7 na pag-check sa ilegal na mga kalakal na kung saan nangangailangan ng mga kaukulang permits.
Ang Bureau of Customs NAIA ay kaisa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa paninindigan sa pangangalaga at protection ng wildlife at pigilan ang wildlife smuggling.
