28 KILO NG MARIJUANA NASABAT NG BOC, PDEA

UMABOT sa 28 kilo ng high grade marijuana o kush na nagkakahalaga ng mahigit P30 milyon, ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Customs sa Manila International Container Port.

Ayon sa ulat na ibinahagi ng PDEA Regional Office NCR at BOC, isinagawa ang anti-narcotics operation sa Designated Examination Area (DEA), Container Facility Station 3 (CFS3) sa Manila International Container Port (MICP), sa Tondo, Manila.

Isang container cargo na may kahina-hinalang mga dokumento ang binuksan at diniskarga saka isinailalim sa x-ray examination ng Bureau of Customs Inspector.

At ang resulta, 30 sa 419 boxes ay hinihinalang naglalaman ng mga kontrabando.

Para maberipika ay nagpasyang buksan ng mga awtoridad ang mga bagahe saka isinailalim sa K9 inspection na nagresulta na positibo sa presensiya ng dangerous drugs.

Sa pagsusuri ay lumitaw na mga pinatuyong high grade marijuana (kush) ang lamang ng mga kahon.

Sinasabing umabot ito sa 28,296 gramo ng marijuana-dried leaves na itinago sa balikbayan boxes, at may standard drug price value na umabot sa P39,614,400.

Base sa hawak na dokumento, ang balikbayan boxes ay nagmula sa Vancouver, Canada.

Kasalukuyang iniimbestigahan ang shipper, receiver, at maging ang forwarding companies na sangkot para sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Babala ni Director Emerson R. Rosales, Regional Director of PDEA – RO NCR, sa publiko, “Importing illegal drugs to the country is prohibited and may face a penalty of life imprisonment and a fine ranging from five hundred thousand pesos to ten million pesos. (JESSE KABEL RUIZ)

5

Related posts

Leave a Comment