295 GRANADA NG TERROR GROUP NASAMSAM NG MILITAR

LANAO DEL SUR – Maraming buhay ang tiyak na naisalba ng mga tauhan ng Philippine Army, nang marekober ng mga sundalo ang 295 hand grenades mula sa isang taguan ng armas na pinaniniwalaang itinago ng natitirang mga kasapi ng Dawlah Islamiya-Maute Group (DI-MG) sa kabundukan ng lalawigan, ayon sa militar nitong Huwebes.

Ayon kay Maj. Gen. Yegor Rey Barroquillo Jr., kumander ng 1st Infantry Division, natuklasan ng kanyang mga tauhan mula sa Army’s 55th Infantry Battalion (55IB), ang taguan nitong Miyerkoles, sa Barangay Piagolongan, Marogong, Lanao del Sur.

“Ang dami ng mga pampasabog na narekober—halos 300 granada sa isang taguan—isang malaking dagok sa kakayahang operasyonal ng threat group sa lugar,” ani Barroquillo.

“Ang pagtanggal nito sa sirkulasyon ay direktang katumbas ng mga buhay na nailigtas, mga pamayanang naprotektahan, at pagpigil sa posibleng malawakang pag-atake,” dagdag pa niya.

Binanggit ni Barroquillo na malaki ang papel ng komunidad, dahil sa kanilang kooperasyon at tiwala sa security forces ay natuklasan ang taguan at nakarekober ng mga pampasabog.

Pinapurihan din ni Gen. Barroquillo ang tropa ng 55IB at ang komunidad sa kanilang sama-samang pagsisikap, binigyang-diin na ang mga operasyong ganito kalaki ay nagiging posible dahil sa tiwala at kooperasyon sa pagitan ng militar at ng taong kanilang pinaglilingkuran.

Dagdag pa ni Barroquillo, nananatiling matatag ang kanilang misyon na buwagin ang mga teroristang network, mabawi ang mga nakatagong armas pandigma, at matiyak ang pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa Kanlurang Mindanao.

(JESSE RUIZ)

74

Related posts

Leave a Comment