(CHRISTIAN DALE)
HINDI kaya ng pamahalaan na maibigay ang hinihingi ng Metro Manila mayors na bigyan 4 milyong doses ng bakuna para makamit ang population protection sa lalong madaling panahon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na 2 milyon lamang ang maibibigay ng pamahalaan sa LGUs.
“Well, ah.. narinig po iyan ni Secretary (Carlito) Galvez. I think, what he can guarantee for now, is around 2 million kasi kinakailangan nga po na magkaroon din ng equitable na distribution ng mga bakuna pero dalawang million is not bad considering na 4 million po ang hinihingi nila at marami pa naman pong darating na mga doses,” ang paliwanag ni Sec. Roque.
“So, alam naman po natin ang importansiya na magkaroon na ng population protection sa lalong mabilis na panahon sa Metro Manila Plus areas,” dagdag na pahayag nito.
Nauna rito, humirit ang MM mayors sa pamahalaan na maglaan ng hindi bababa sa 4 milyong bakuna para sa NCR na ipinangako naman na ia-administer sa loob ng dalawang linggo.
Samantala, mangangailangan pa ang Pilipinas ng 42.6 milyong doses ng bakuna para makamit ang demand nito kontra COVID-19.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Miyerkoles ng gabi ay sinabi ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na ang projected vaccine eligible population ay 70,851,828 Filipino.
Aniya, ang agwat sa pagitan ng supply at demand ay 42.6 million doses.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay mayroong 31,360,700 doses o 17,300,775 treatments para sa dalawang doses.
Aniya, kailangan taasan ng Pilipinas ang supply deliveries nito upang makamit ang demand o pangangailangan ng iba’t ibang local government units.
Sa kabilang dako, inirekomenda naman ng Department of Health at National Task Force na mag-concentrate sa mga kategoryang A1, A2, at A3—health workers, senior citizens, at persons with comorbidities—para makamit ang “population protection for the vulnerable sector.”
Ayon sa DOH, may kabuuang 17,202,421 doses na ang naiturok na “as of July 25”.
