Muling pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng Port of NAIA ang pagpoproseso ng mabilis na pagpapalabas ng COVAX Facility sourced vaccine ng kumpanyang AstraZeneca.
Ang nasabing bakuna laban sa covid-19 ay dumating sa bansa noong Marso 04, 2021 sakay ng KLM Royal Dutch Airlines na isang commercial plane.
Nauna rito, noong Pebrero 08, 2021, ay prinoseso rin ng BOC ang 600,000 donated na Sinovac vaccines mula sa China.
Base sa inilabas na report ng BOC Port of NAIA, dalawang (2) batches na ng vaccines ang klarong nakarating, prinoseso at inilabas ng nabanggit na ahensiya.
Ang Department of Health (DOH) ang siyang nagsisilbing consignee at sa kanilang pakikipagtulungan sa BOC ay mabilis na na-proseso ang lahat ng kailangang mga dokumento para sa pre-cleance process.
Wala pang isang oras ay agad na naisagawa ito sa pamamagitan din ng One -Stop -Shop ng BOC NAIA.
Kaugnay nito, ang COVAX Special Handling Taskforce ng BOC ay isinagawa din ang mahigpit na pagbabantay mula sa Villamor Airbase patungo sa Metropac Facility sa Marikina City kung saan doon muna pansamantalang inimbak ang nasabing mga bakuna.
Ang Customs clearance proper, mula pre-clearance processing status patungo sa cold storage warehouse destination ay sinupervise at minonitor mismo nina BOC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG) Deputy Commissioner Edward James dy Buco, at Port of NAIA District Collector Carmelita M. Talusan.
Kaugnay nito, inaasahan na rin ng BOC NAIA ang pagdagsa pa ng maraming mga vaccine sa susunod na mga linggo kaya agad na inabisuhan ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero ang kaniyang mga tauhan na maging matatag sa kanilang pagganap sa tungkulin at gampanin kaugnay ng isinasagawa ngayong National Vaccination Program ng pamahalaan.
Ang arrival ng AstraZeneca vaccine ay sinalubong ni President Rodrigo Roa Duterte kasama sina Sen. Christopher ‘Bong’ Go, Cabinet Secretaries Teddy Locsin Jr., Francisco Duque, Harry Roque, Arthur Tugade, Carlito Galvez, Delfin Lorenzana, Carlo Nograles, at Hermogenes Esperon.
Kasama rin sa sumalubong ay ang mga miyembro ng Diplomatic Corps mula European Union, Australian Embassy, Officials mula UNICEF at WHO Representative to the Philippines, Dr. Rabindra Abeyasinghe.
