PUNA ni JOEL O. AMONGO
HALOS handa na ang lahat para sa isasagawang 2nd State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa plenaryo ng Batasan Pambansa, Quezon City, sa Lunes, July 24, 2023.
Inaasahan na mas marami ang dadalo ngayon kumpara sa nakaraang 2022 SONA ni PBBM na may 1,365 inimbitahan na dumalo sa nasabing kauna-unahang paglalahad ng pangulo ng kanyang gagawin sa loob ng anim na taon ng kanyang panunungkulan.
Ito ang natanggap nating impormasyon sa isinagawang pag-uusap sa House of Representatives noong Mayo 29, kung saan ay tinalakay ang paghahanda sa okasyon.
Sa nasabing pulong, sinabi ni Secretary General Reginald Velasco na limitado lamang ang espasyo sa House plenary kaya inaprubahan ni Speaker Martin Romualdez ang pagtatalaga ng karagdagang kuwarto sa Batasan Complex para sa mas maraming bisita.
Magsasalita si PBBM sa harapan ng mga senador, kongresista at mga panauhing pandangal na dadalo sa plenaryo ng Kamara.
Kadalasan, sa unang SONA ng pangulo ay kanilang sinasabi ang mga prayoridad na kanilang gagawin sa kanilang pag-upo.
Lalo sa loob ng 100-days mula nang sila ay umupo bilang pangulo ng bansa.
Kadalasan ang mga umuupong pangulo ng bansa sa loob ng 100-days ay maayos ang pag-upo maging ang kanyang piniling gabinete na katuwang niya sa pagpapatakbo ng bansa.
Subalit naging kakaiba sa administrasyon ni PBBM na imbes na maging maayos ay nabahiran ng kontrobersiya makaraang bumitiw sa posisyon ang ilan niyang gabinete.
Sa pangyayaring ito ay marami ang nagkomento na tila nagkatotoo ang sinabi ng dating pangulo na mahinang lider si PBBM.
Nakaabot na sa isang taong panunungkulan si PBBM ngunit marami ang nakukulangan sa kanyang mga nagawa lalo na sa usapin ng kalagayan ng mga Pilipino.
Inaasahan ng taumbayan na pagpasok ng administrasyon ni PBBM ay magagawan niya ng solusyon ang problema sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na nakakaapekto sa mga ordinaryong mamamayan, subalit hindi ito natugunan ng pangulo.
Maging ang problema sa ilegal na droga ay tila lalo pang lumala matapos matuklasan na pawang matataas na mga opisyal ng pulisya ang nasasangkot sa kalokohang ito.
Sabi ng ilang nakausap ng PUNA, na tila binabalewala ng ilan ang nakaupong pangulo dahil sa pagiging malambot nito sa usapin sa pagresolba ng mga problema.
Ngayon ay inaabangan ng publiko kung ano ang mga sasabihin ni PBBM sa kanyang ika-2 SONA na gaganapin sa July 24 sa Kamara.
Interesado ang taumbayan kung ano sasabihin ni PBBM hinggil sa problema sa mataas na presyo ng pangunahing mga bilihin at muling paglala ng illegal drugs gayundin sa smuggling ng agri-products na pumapatay sa lokal na mga magsasaka.
Hindi rin ramdam ng taumbayan ang sinasabi ng kasalukuyang administrasyon na ginagawa nito ang lahat para sa ikabubuti ng ordinaryong mamamayan.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
