2nd wave ng COVID-19 posible BALIK-ECQ HIRIT NG LGUs

HINILING ng ilang lokal na pamahalaan na bumalik o magpatuloy ang kanilang lugar sa ilalim ng enhanced community quarantine sa pangambang madagdagan pa ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19.

Kabilang ang lalawigan ng Albay at Zamboanga City, sa humiling na ma-extend ang ECQ sa kanilang lugar matapos isailalim ito sa mas relaxed na general community quarantine.

Sinabi ni Legazpi City, Albay Mayor Noel Rosal na ang buong lalawigan ay hindi pa handa na sumailalim sa GCQ gaya ng nauna niyang pahayag.

“May resolution ang local task force ng COVID-19 and Albay mayors na ‘di pa kami ready. Hindi sa against kami pero ‘di pa ready,” ang pahayag ni Mayor Rosal.

“Mahirap mag-risk baka magaya tayo sa ibang countries na nag-open sandali.

Nagpadala po kami sa IATF Bicol and ipapadala ‘yan sa national but that was addressed to the President,” dagdag na pahayag nito.

Ganito rin ang plano ng provincial government ng Ilocos Sur.

Nais umano nitong hilingin sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na maibalik o maisailalim muli sa ECQ ang lalawigan bagaman ibinaba na ito sa GCQ simula May 1.

Naalarma ang pamahalaang panlalawigan matapos makita ang tila pag-abuso ng mga residente sa GCQ dahil sa pagdagsa nila sa iba’t ibang pamilihan at iba pang establisimyento at hindi nasusunod ang social distancing para maiwasan ang COVID-19.

Ayon kay Governor Ryan Singson, marami silang natanggap na reklamo ng ilang concerned citizens na takot na magkaroon ng second wave ng nasabing pandemic sa Ilocos Sur dahil sa paglabas ng mga tao sa kanilang tahanan.

DAGDAG PASILIDAD

Samantala, inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagtatayo ng karagdagang pasilidad para gamitin sa paglaban sa COVID-19.

Ito ay dahil nababahala rin ang alkalde na magkaroon ng second wave ng COVID-19   cases kapag inalis na ECQ sa lungsod.

Ayon kay Moreno, palagian siyang nakikipagpulong sa kanyang mga opisyal upang   makapag-isip ng mga paraan kung paano madaragdagan ang mga pasilidad na paglalagyan ng madaragdag na COVID patients bukod pa sa mga umiiral na pasilidad.

“I hope I am wrong, pero baka lumobo ang dami ng infected pag na-lift na ang ECQ,” pangamba ni Moreno.

Binanggit ng alkalde na ang Araullo High School ay na-convert na sa COVID 40-room capacity at may mga nakikita pa silang puwedeng i-convert sa pakikipagtulungan  ng division of city schools. CHRISTIAN DALE, JESSE KABEL

137

Related posts

Leave a Comment