(NI HARVEY PEREZ)
IBINULGAR ng Department of Health (DOH) na ang milyun-milyong tahanan sa bansa na walang maayos na palikuran, ang isa sa dahilan nang pagkalat ng iba’t ibang karamdaman, gaya ng polio.
Sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo na may 3.5 milyong tahanan ang nangangailangan ng sanitary toilets sa bansa at malaking porsiyento nito ay mula sa National Capital Region (NCR).
“NCR talaga ang pinakamarami. Out of the 3.5 million na kailangan na toilets, ang big majority nun sa NCR. Toilet ng mga pamilya at bahay ito. Talagang maraming families ang walang sanitary toilets,” ayon kay Domingo.
Sinabi ni Domingo, malaking problema talaga ang open defecation dahil nagiging sanhi ito ng karamdaman at isa sa mga sakit na maaaring maikalat sa pamamagitan ng dumi ay ang polio.
“Yung open defecation kasi is really a problem. This (polio) is one of the diseases na nag-e-emerge kapag may open defecation saka yung ating waste disposal ay maaring ma-contaminate ang ating water supply,” dagdag ni Domingo.
Sa ngayon aniya ay inaalam na ng DOH kung paano masosolusyunan ang naturang problema.
Nabatid na inaalam ngayon ng DOH kung papaano magagawan ng paraan para maging zero open defecation.
“We want to identify funds and we are working with other government agencies–DPWH na mas mabilis mag-construct ng mga septic tanks. We want to work with them para mapabilis yung ating pagtayo ng mga toilet,” dagdag pa ni Domingo.
Magugunita na una nang kinumpirma ng DOH na muling nagbabalik ang sakit na polio sa bansa, matapos ang may 19-taong pagiging polio-free.
Kinumpirma ng DOH na dalawang bata kinabibilangan ng isang 3 anyos na babae mulansa Lanaondel Sur at isang 5- anyos na batang lalaki sa Laguna ang may polio virus.
256