3-ANYOS NA BATA INI-HOSTAGE NG NABURYONG NA AMA

CAVITE – Ini-hostage ng isang lalaki ang kanyang 3-anyos na anak na lalaki upang makaiwas sa pag-aresto ng mga awtoridad sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga

Kinilala ang suspek na si Marianito Deayon y Carlos, 53, ng Brgy. Bulihan, Silang, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/MSgt. Rogelio Dalipog ng Silang Police Station,, dakong alas-11:20 ng umaga, nagsagawa ng negosasyon sa pagitan ng suspek at ni P/Lt. Col. Romulo Co Dela Rea, hepe ng Silang Police, kasama sina Capt. Allan Antang ng SWAT, at P/Lt. Col. Jesson Bombasi ng DPDO sa Brgy. Bulihan, Silang, Cavite.

Ito ay nang i-hostage ng suspek ang kanyang 3-anyos na anak makaraang magkaroon ng mainitang pagtatalo si Deayon at kanyang misis na humantong sa pananakit sa huli.

Dahil sa pananakit ay nagsumbong umano ang ginang sa barangay. Nang magresponde ang mga barangay tanod ay ini-hostage ng suspek na armado ng patalim, ang kanilang anak naging dahilan upang humingi ng tulong sa pulisya ang barangay officials.

Ayon kay P/MSgt. Dalipog, tumangging makipag-usap ang suspek sa mga awtoridad at nagbantang sasaktan ang kanyang anak kaya nagdesisyon ang mga negosyador na pasukin ng SWAT team ang bahay na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Agad namang nasagip ang bata na hindi nasaktan o nasugatan sa insidente.

Pahayag pa ni Dalipog, madalas umanong sinasaktan ng suspek ang kanyang asawa, at palaging mainit ang ulo dahil sa kawalan ng trabaho. (SIGFRED ADSUARA)

588

Related posts

Leave a Comment