BATANGAS – Tatlong lalaki ang natimbog ng mga awtoridad dahil sa pag-iingat ng mga ilegal na baril sa magkakasunod na operasyon sa bayan ng Bauan, at Sto. Tomas City noong Huwebes ng gabi.
Isa sa mga suspek ang nanlaban pa sa mga awtoridad na ikinasugat nito.
Dahil sa kadiliman ng gabi, nakawala ang suspek na kinilalang si Christian, subalit dahil tinamaan pala ito matapos makipagbarilan sa mga pulis, ay naaresto ito sa kanyang pinagtataguan na masukal na lugar.
Una itong nasita ng mga awtoridad sa Sitio Pandayan, Brgy. Manghinao Proper sa naturang bayan dakong alas-12:50 ng madaling araw, habang sakay ng motorsiklo, subalit sa halip na huminto ay pinaputukan ang mga pulis at saka humarurot.
Gumanti ang mga pulis at nasapol ito hanggang sa makitang nagtatago sa madilim na bahagi ng lugar at napilitang sumuko.
Una dito, naaresto rin ng mga awtoridad sa isa pang checkpoint sa P. Rizal St., Barangay Poblacion II, Bauan ang suspek na si alias “Sambodato”, residente ng Dasmariñas, Cavite, habang sakay ng motorsiklo dakong alas-11:15 ng gabi.
Sinita ito ng mga pulis dahil sa walang suot na helmet subalit natuklasan na may dala itong hindi lisensyadong cal. 38 na baril.
Sa Sto. Tomas City, naaresto ang backrider ng motorsiklo na si Roberto Balite, matapos makumpiskahan ng isang Remington, cal .45 pistol.
Naaresto ito matapos matumba ang kanilang sinasakyang motorsiklo nang masita ng mga pulis sa operasyon sa Maharlika Highway, Brgy. San Felix, Sto. Tomas City, Batangas.
Nakatakbo naman at tuluyang nakatakas ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Joselito Balite at iniwan ang kanyang backrider.
Ang dalawa ay sinita ng mga awtoridad matapos na isumbong ng mga residente na pagala-gala sa paligid ng bahay ng isang residente roon at may dalang mga baril.
Ayon sa report ng Batangas PNP, pawang walang naipakitang kaukulang mga papeles at dokumento ng kanilang mga baril ang tatlong naaresto.
Sinampahan ang mga ito ng mga kasong paglabag sa RA 10591 in relation to Comelec Gun Ban.
(NILOU DEL CARMEN)
