DINAKIP ang tatlong kababaihan kabilang ang isang cashier, dahil sa pagpuslit ng P27,600 halaga ng sigarilyo sa isang tindahan sa Malabon City noong Martes ng hapon.
Kinilala ni Malabon City Police chief, Col. Albert Barot ang mga arestado na sina Myka Veronica Louise Bautista, 26; Jacklyn Jose, 21, cashier, at Razna Sanglitan, 26, vendor, pawang nahaharap sa kasong qualified theft at theft.
Ayon sa imbestigasyon nina P/MSgt. Julius Mabasa at P/SSgt. Diego Ngippol, dakong alas-4:30 ng hapon nang magtungo si Sanglitan sa Jemms Shoppers Mart sa Gov. Pascual Avenue, Brgy. Acacia base sa instraksyon sa kanya ni Bautista, dating checker at supervisor ng naturang tindahan, upang kunin ang nasabing items.
Ibinigay naman ni Jose, duty cashier sa naturang tindahan, ang nasabing items na may kasamang lumang resibo ng biniling assorted items na may petsang June 11, 2021 na P955 ang halaga, kay Sanglitan ngunit hindi binayaran.
Gayunman, paglabas sa tindahan ni Sanglitan bitbit ang items na nakalagay sa karton ay hinabol ito ang duty checker ng tindahan upang i-double check ang items sa loob ng kahon.
Sa puntong ito, nadiskubre na ang resibong hawak ni Sanglitan ay hindi para sa nasabing items sa loob ng kahon.
Agad ini-report ang insidente sa barangay officials at sa Malabon City Police Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at narekober ang 240 packs ng sigarilyo na P27,600 ang halaga. (FRANCIS SORIANO)
