ISASAILALIM sa masusing imbestigasyon kung may katotohanan ang depensa ng isang pulis Maynila, makaraang bitbitin ng kanyang mga kabaro nang ireklamo sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa Paco, Manila noong Miyerkoles ng gabi.
Mula sa Manila Police District-Ermita Police Station 5, itinurn-over ang pulis na si Patrolman Gerald Balagan Cabullos, nakatalaga sa MPD-Sta. Mesa Police Station 8, sa tanggapan ng MPD-General Assignment and Investigation Section, upang harapin ang kasong alarm and scandal at indiscriminate firing.
Base sa ulat ni P/MSgt. Rodolfo Lachica, bandang alas-7:35 ng gabi nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang ilang residente sa panulukan ng Pres. Quirino Avenue at Osmeña Highway sa Paco.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ni P/Lt.Col. Ariel Caramoan, station commander ng PS-5, at inaresto si Cabullos.
Matapos maipa-blotter, itinurn-over sa MPD-GAIS si Cabullos para isailalim sa imbestigasyon kung may katotohanan ang depensa nito na tatlong beses siyang tinangkang agawan ng sling bag kaya siya nagpaputok ng baril. (RENE CRISOSTOMO)
