5 ARESTADO SA P1-M SHABU

KULONG ang limang hinihinalang drug personalities, kabilang ang tatlong babae, matapos makumpiskahan ng halos P1 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa mga lungsod ng Caloocan at Malabon nitong Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Eliseo Cruz, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang madamba ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquitan, ang mga suspek na sina Rachel Carlos, 44; Kristine Torres, 42; Erica Penalosa, 31, at Estilito Berlos, Jr. 49, matapos bentahan ng P5,000 halaga ng shabu ang isang undercover police na nagpanggap na buyer, sa buy-bust operation sa Blk. 1, Pampano St., Phase 2, Area 3, Brgy. Longos, Malabon City.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 75 gramo ng shabu na may standard drug price na P516,800, marked money at cellular phone.

Nauna rito, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang masakote ng mga operatiba ng DDEU, sa pangunguna ni Capt. Aquiatan, ang Commando gang member na si Marlon Calimlim, 44, sa buy-bust operation sa kanyang bahay sa #119 Int. 1, 4th Avenue, West Grace Park, Brgy. 49, Caloocan City.

Ani BGen. Cruz, si Calimlim ay kabilang sa police drug watchlist at mahigit isang linggong isinailalim sa surveillance operation ng mga operatiba ng DDEU.

Nakuha sa suspek ang P1,000 marked money, cellphone, asul na pouch na naglalaman ng 61 gramo ng shabu na may standard drug price na P414,800. (FRANCIS SORIANO)

107

Related posts

Leave a Comment