PATAY ang tatlong magkakaibigang binatilyo nang masagasaan ng dambuhalang tren, kabilang ang isang naputulan ng ulo, habang binabaybay ang kahabaan ng riles ng Philippine National Railways (PNR) sa Sta. Mesa, Manila noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang sina Alfred Visagar, 17, ng Bagumbayan, Bacood; Jayvee John Luna, 16, ng V. Francisco, at Rico Devilla, 17, ng Peralta St., pawang sa Sta. Mesa, Manila.
Base sa ulat ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), bandang alas-6:25 ng gabi nang mangyari ang insidente sa riles ng PNR na sakop ng Anonas St. sa Sta. Mesa.
Pauwi na umano ang mga biktima sa kani-kanilang bahay nang maisipang dumaan sa riles.
Gayunman, hindi narinig ng mga ito ang busina ng dumarating na PNR train na may body number na 1831 at ino-operate nina Ronald Antonio at Eric Nase.
Bunsod nito, nasagasaan ng tren ang mga biktima na hindi alam kung saan tatakbo nang mabulaga ng tren.
Dahil sa tindi ng impact nang pagkakasagasa ay nadurog umano ang katawan ng mga biktima at naputulan pa ng ulo ang isa sa mga ito.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nagkayayaang maglaro ng basketball ang magkakaibigan ngunit nang makitang basa ang semento ng basketball court ay naisipan nilang umuwi na lamang at dumaan sa riles ng tren. (RENE CRISOSTOMO)
411 