3 BUMULAGTA SA BUY BUST OPS

CAVITE – Tatlong hinihinalang drug pusher ang patay makaraang makipagpalitan ng putok sa ikinasang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga napatay na sina Warlito Sinsay ng Brgy. Pasong Camachille 2, Gen. Trias City; alyas “Bong Samala” ng Naic, at Aldrin Fernandez, 30, ng Brgy. Ibayo Estacion, Naic.

Ayon sa ulat, dakong alas-8:40 noong Lunes ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (DEU) ng Gen. Trias City Police sa Phase 3, Lancaster New City, Brgy. Tapia sa nabanggit na lungsod kung saan target si Sinsay.

Ngunit pumalag ang suspek nang nalaman na pulis ang kanyang ka-transaksiyon na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Nakuha sa suspek ang 25 gramo ng shabu, isang .45 kalibreng baril at isang pulang Toyota na may plakang KEN 115.

Sa Indang, Cavite, nagkasa ng buy-bust operation ang Naic Municipal Police at PDEA 4A dakong alas-12:10 ng madaling araw nitong Martes sa Brgy. Tambo Ilaya kung saan nakipagtransaksiyon si Bong Samala sa poseur buyer.

Ngunit nang mahalata ng suspek na pulis ang kanyang kausap, naglabas ito ng baril at pinaputukan ang awtoridad. Gumanti naman ang pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Dakong ala-1:00 ng madaling araw nitong Martes, nagkasa naman ang mga operatiba ng DEU ng Naic Municipal Police sa Brgy. Ibayo, Estacion, Naic, kung saan target si Fernandez.

Ngunit nahalata ni Fernandez na parak ang kanyang katransaksyon kaya nagpaputok ito na humantong sa palitan ng putok na kanyang ikinamatay. (SIGFRED ADSUARA)

187

Related posts

Leave a Comment