3 HUMAN TRAFFICKING VICTIMS NAHARANG

CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga – Pinigil ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga na makaalis sa bansa ang tatlong kababaihan na papuntang United Arab Emirates (UAE) dahil sa hinalang mga biktima ang mga ito ng human trafficking.

Ayon sa report kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi ng BI’s Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), ang mga pasahero na naharang noong nakaraang Biyernes ay tinangkang sumakay sa Emirates flight patungong Dubai.

Ang nasabing mga kababaihan ay sumailalim sa pangunahing immigration inspection at tinangkang umalis sa bansa bilang mga turista, ngunit kalaunan ay inaming pupunta sila sa nabanggit na bansa para magtrabaho bilang domestic household workers.

Napag-alaman na lahat sila ay may valid UAE tourist visa at return tickets bilang patunay na sila ay mga lehitimong magbabakasyon sa Dubai.

Sa pagtatanong sa kanila, inamin ng mga kababaihan na sila ay ni-recruit para magtrabaho sa abroad nang walang required overseas work permits mula sa gobyerno.

Nakatanggap sila ng tagubilin mula sa kanilang handler via Facebook at nakatanggap din ng copies ng kanilang visa at return ticket sa pamamagitan ng Internet.

Ayon sa mga biktima, hindi sila nagbayad ng ano mang halaga mula sa ahente ngunit ang kanilang ginastos ay babawasin sa kanilang sweldo.

“This is a form of debt bondage,” ani Morente.  “Hindi ka pa nakakaalis may utang ka na.  In many cases, victims are charged by their recruiters exorbitant amounts which they are unable to immediately pay off, further locking them to their employers despite horrible working conditions,” dagdag ng opisyal.

Ang mga biktima ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon.

Kaugnay nito, nagbabala si Morente sa mga miyembro ng human trafficking syndicates na pinaigting ng BI ang kanilang pagbabantay at hindi lamang sila nakasentro sa airport sa Manila kundi maging sa buong international ports. (JOEL O. AMONGO)

469

Related posts

Leave a Comment