NAMAGITAN ang International Committee of the Red Cross para sa pagpapalaya sa tatlong Israeli at 174 Palestinian detainees at nakabalik na sa kanilang mga lugar.
Muli sa kanilang ikalimang humanitarian mission, ay ligtas na napalaya nitong nakalipas na linggo ang tatlong bihag ng Hamas na Israeli mula sa Gaza patungo sa Israel.
Sa ligtas na pamamagitan ng ICRC, tuluyang nakalaya ang 174 Palestino na detenido sa detention facilities ng Israel sa Gaza at West Bank.
Ang ICRC ay nagsisilbi ngayong tulay at siyang nangangasiwa sa operasyon ng pagpapalaya.
Ayon sa pahayag ng ICRC, kanilang hinihimok ang lahat ng mga partido, kabilang ang mga tagapamagitan, na maging responsable upang matiyak na ang mga pagpapalabas ng detainees sa hinaharap ay marangal at pribado. Ang ICRC ay patuloy na ipinararating ang mensaheng ito, pribado man o publiko.
Sa panahon ng pagpapalaya, ang mga kawani ng ICRC, kabilang ang mga doktor, ay tinitiyak na mapagkakalooban ng kanilang pangangalagang medikal at iba pang suporta ang mga naging bihag kung kinakailangan.
Nabatid na sumasailalim muna sa paunang panayam ang mga dating bihag bago pa man maibabalik sa bawat pamilya upang masuri ang kanilang kalusugan at kakayahan para sa paglalakbay.
Dagdag pa ng ICRC, nakahanda silang pangasiwaan ang karagdagang pagpapalaya bilang isang humanitarian intermediary, sa darating na mga araw at linggo. Ang kasunduan sa tigil-putukan ay dapat manatili upang mas maraming pagpapalaya ang maaaring maisagawa, at mas maraming tulong ang makapasok sa Gaza.
Ang ICRC, kasama ang Red Cross at Red Crescent Movement, ay nagtatrabaho mula pa noong ika-19 ng Enero upang ipagpatuloy ang paghahatid ng humanitarian services na tulong tulad ng tirahan, pagkain, at mga materyales upang makatulong sa pagkukumpuni at pagsuporta sa mga kritikal na imprastraktura tulad ng supply ng tubig.
Samantala, kinumpirma naman ng Department of Migrant Workers (DMW)-Migrant Workers’ Office na malaking bilang ng Pinoy repatriates mula Lebanon, ang nakatakdang umuwi ng bansa.
Sa gitna ito ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East. Ayon sa DMW, ilang batch ang maunang darating sa bansa ngayong linggong ito. Kabilang sa darating sa bansa ang 52 overseas Filipino workers (OFWs) at isang dependent.
Ngayon Martes, Pebrero 11, 79 OFWs at 8 dependents naman ang darating sa bansa.
Sila ay pawang pansamantalang nanirahan sa shelter sa Beirut matapos na ilikas sa kasagsagan ng kaguluhan. (JESSE KABEL RUIZ)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)