INANUNSYO ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang pagkakaaresto sa tatlong South Korea’s most wanted fugitives na umano’y pawang kasapi ng isang bigtime syndicate na nag-o-operate ng online scam at nakapambiktima ng libo nilang mga kababayan.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang tatlong aliens ay naaresto noong Martes sa operasyon na isinagawa sa Parañaque City at Pantabangan, Nueva Ecija ng mga operatiba mula sa BI’s Fugitive Search Unit (FSU) sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group Major Crimes Investigation Unit (CIDG-MCIU).
Ang tatlo ay kinilalang sina Jung Myunghun, 38, top leader sindikato; Yu Daewoong, 38, at Kang Wesung, 36, na umano’y lider din ng grupo.
Ayon kat Morente, ang tatlong Koreans ay pawang high profile fugitives na matagal na umanong pinaghahanap ng Korean authorities at ng Interpol.
Ayon kay BI FSU Chief Bobby Raquepo, hiniling ng Korean authorities ang tulong ng BI para mahanap at maaresto ang tatlong pugante.
Lumalabas sa records na simula noong Hulyo 2014, ang mga suspek ang nasa likod ng online scam na nag-a-upload at nag-advertise ng items sa online second-hand markets at nakapangloko sa kanilang mga biktima.
Natuklasan ng Korean authorities na umabot sa 2,600 ang kanilang naging biktima.
Tinatayang aabot ng sampung bilyong won (10-B won) o katumbas ng US$9 million, ang nakulimbat ng sindikato mula sa kanilang mga biktima. (JOEL O. AMONGO)
