TATLO sa walong COVID-19 patients na nagpositibo sa swab test ang binawian ng buhay sa Navotas City nooong Pebrero15 habang dalawa lamang ang gumaling.
“Marami po sa mga nagpositibo nitong mga nakaraang araw ay mga naghahanap ng trabaho o nagtatrabaho. Dahil sa COVID-19, pansamantalang mahihinto ang kanilang kabuhayan. Kaya nga po ingatan natin ang ating sarili at gawin ang lahat ng makakaya para hindi mahawaan. Kalusugan po at kabuhayan ang nakasalalay rito,” ani Mayor Toby Tiangco.
“Parating mag-mask at face shield. Iwasan muna ang pakikipagsalo-salo at pakikipagtipon-tipon. Dumistansya ng 1-2 metro mula sa iba. Maghugas parati ng mga kamay. Simple lang ang mga gawaing ito pero ito ang una nating depensa laban sa sakit. Makiisa po tayo para matapos na ang pandemya at manatiling ligtas tayong lahat,” pakiusap ng alkalde.
Umabot na sa 5,767 ang tinamaan ng pandemya sa lungsod at dito ay 5,443 na ang gumaling, 182 ang namatay at 142 ang active cases.
Samantala, isa ang namatay sa Barangay Tugatog, Malabon City noong Pebrero 15, ang ika-246 na binawian ng buhay sa lungsod dahil sa pandemya.
Ayon sa City Health Department, 30 ang nadagdag na confirmed cases kaya’t 6,461 na ang positive cases sa Malabon, 118 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Baritan (5), Bayan-bayanan (6), Catmon (1), Hulong Duhat (10), Tañong (4), Tonsuya (2) at Tugatog (2).
Habang 16 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Ang mga ito ay mula sa Barangay Catmon (1), Ibaba (1), Longos (1), Tinajeros (3), Tugatog (7), at sa labas ng Malabon (3).
Sa kabuuan ay umabot na sa 6,097 ang recovered patients ng Malabon. (ALAIN AJERO)
150 