TATLONG kalalakihan ang magkakasunod na bumulagta sa magkakahiwalay na insidente nang umano’y manlaban sa mga awtoridad sa police operations sa Laguna at Batangas nitong Martes.
Nangyari ang insidente sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operation sa mga drug personality sa lungsod ng San Pedro sa Laguna at sa bayan ng Lemery sa Batangas.
Batay sa report ng pulisya, unang napatay si Eduardo Sabariza nang makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa San Benito, Alaminos, Laguna dakong alas-9:40 ng umaga.
Sunod namang napatay si Ernie Boy Cara na nanlaban umano sa buy-bust operation sa Barangay San Isidro Ibaba, Lemery, Batangas dakong alas-2:45 ng hapon.
Samantala, napatay sa engkwentro ang isang miyembro ng criminal gang sa Brgy. GSIS, San Pedro City, Laguna nang manlaban umano sa buy-bust operation ng mga awtoridad.
Tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na si Restico Bathan y Mercado alyas “Rusty”.
Ayon sa ulat, nakatransaksyon ng mga operatiba ng San Pedro City Police ang suspek bandang alas-9:20 noong Martes ng gabi ngunit nakatunog umano ito kaya nagpaputok ng baril.
Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng suspek. (NILOU DEL CARMEN/CYRILL QUILO)
