PINIGIL ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Overseas Filipino workers (OFWs) na makalabas ng bansa dahil sa tampered na visa.
Ayon sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), ang tatlong OFW ay hinarang sa NAIA Terminal 3 bago pa man sila makasakay ng Cebu Pacific Airlines flight patungong Dubai.
Sinabi ng mga biktima sa I-PROBES personnel, may alok sa kanila sa Dubai na magtrabaho bilang cleaners at nagpakita pa ng employment documents.
Ngunit nang inspeksyon, nakumpirma na ang kanilang United Arab Emirates (UAE) employment visas ay tampered.
Hindi naman inakala ng mga biktima na tampered ang kanilang visas.
“Be wary of any agency or individual promising expedited or guaranteed visa processing, as this could be a red flag for potential fraud or exploitation,” ayon kay Tansingco. (JOCELYN DOMENDEN)
