CAVITE – Pawang namatay ang tatlong motorcycle rider at sugatan dalawang angkas ng mga ito sa aksidente sa motorsiklo sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi at nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang mga namatay na sina Darel Parpa, 22, factory worker; Jorlan Encamina, 30, at John Enojada, nasa hustong gulang at residente sa B15, L62, Hamilton Homes, Brgy. Bucandala 1, Imus City.
Habang sugatan ang asawa ni Jorlan na si Sarah Jade Encamina, 30, at Clarissa Reyes, 35-anyos.
Hawak na ng pulisya ang driver ng isang motorsiklo na may sidecar na si Rogelio Sipat, 52-anyos.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. John Carlo Punzalan ng Imus City Police, minamaneho ni Parpa ang kanyang motorsiklo patungo sa direksiyon ng Maynila habang binabagtas ang Aguinaldo Highway dakong alas-12:30 ng hapon noong Sabado.
Ngunit pagsapit sa Brgy. Anabu 1A, Imus City nang sumalpok siya sa center island at tumilapon ang katawan sa kalsada.
Isinugod sa Imus Doctor’s Hospital ngunit idineklarang dead on arrival si Parpa.
Sa ulat naman ni P/SSgt. Cristopher Dumalo ng Gen. Trias City Police, dakong alas-8:07 noong Sabado ng gabi, minamaneho ni Sipat ang kanyang motorsiklong Honda TMX na may sidecar habang binabagtas ang Arnaldo Highway sakop ng Brgy. Pasong Camachille 1, Gen. Trias City, nang tinangka nitong lumiko pakaliwa papasok sa Camachille Subdivision.
Ngunit nabangga ni Sipat ang minamanehong motorsiklo ni Encamina at angkas nitong misis na binabagtas din ang nasabing lugar patungo naman sa direksiyon ng San Francisco.
Kapwa isinugod ang mag-asawa sa Divine Grace Medical Center ngunit nalagutan ng hininga si Encamina habang nabalian ng kamay ang misis nito.
Dakong alas-2:45 noong Linggo ng madaling araw sa Trona Highway sa Brgy. Habay 1, Bacoior City, minamaneho ni Enojada ang kanyang motorsiklo at angkas si Reyes.
Ngunit nawalan siya ng kontrol sa kanyang manibela at bumangga sa isang garbage sidecar na gawa sa bakal na nakalagay sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, agad namatay si Enojada habang ang angkas nito ay nasugatan. (SIGFRED ADSUARA)
