PUBLIKO BINALAAN SA MGA SAKIT MULA SA BAHA

NANAWAGAN ang Department of Health (DOH) sa publiko na tiyaking malinis at ligtas sa kontaminasyon ang inuming tubig, lalo na ngayong panahon ng matinding ulan at pagbaha.

Ayon sa DOH, posibleng marumihan ang tubig mula sa mga sirang water pipelines at sewer systems na nalubog sa baha—na maaaring magdulot ng mga sakit gaya ng cholera, diarrhea, at leptospirosis.

Paalala ng kagawaran, pakuluan ang inuming tubig ng hindi bababa sa dalawang minuto, o gamitan ng chlorine tablets na bahagi ng emergency supply na ipinamahagi na sa mga evacuation center.

Batay sa datos ng DOH Health Emergency Alert Reporting System, umabot na sa 28,114 ang evacuees na pansamantalang nanunuluyan sa 370 evacuation centers sa iba’t ibang rehiyon na apektado ng bagyong Crising at habagat.

Kaugnay nito, muling iginiit ni Asec. Albert Domingo, tagapagsalita ng DOH, ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ng lokal na pamahalaan.

Aniya para makaiwas sa sakuna ay agad tumalima sa abiso ng mga opisyal ng pamahalaan lalo na kung kinakailangan nang mag-evacuate.

Dapat din aniyang tandaan ang rescue hotlines: 9-1-1 sa national, at 1-5-5-5 sa D-O-H. (JULIET PACOT)

34

Related posts

Leave a Comment