KINASTIGO ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang planong ipatupad ng Toll Regulatory Board (TRB) sa tinatawag na ‘three-strike policy’ o pagpapataw ng parusa sa mga motorista na sa ikatlong pagkakataon ay pumasok sa expressway na wala naman umanong sapat na load ang gamit na Radio Frequency Identification (RFID) sticker.
Ayon kay Deputy Speaker for Trade and Industry at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, bago puntiryahin ng TRB ang mga ordinaryo at regular na biyahero sa iba’t ibang tollways, dapat unahin nitong papanagutin ang concessionaire o operator na sumablay sa pagpapatupad ng ‘cashless toll payments’.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang tagapamahala ng North Luzon Expressway (NLEX) at Easytrip RFID na dinagsa ng reklamo dahil sa palpak na RFID system nito.
“Why should we penalize motorists who use the tollways to travel when the toll operators are getting away scot-free despite bungling the implementation of the cashless toll payment system?” tanong ng mambabatas.
“To date, no fine has ever been imposed on the toll operators despite the numerous issues we have identified in the implementation of the RFID system during the last hearing of the House Committee on Metro Manila Development on January 19,” dugtong pa niya.
Magugunita na mismong si Mayor Rex Gatchalian na at ang Valenzuela City government ang tumugon sa inaalmahang pamamalakad ng NLEX toll operator partikular ang depektibong RFID reader gadgets nito na nagresulta sa matinding traffic sa naturang lungsod dahilan para suspendihin ng una ang business permit ng huli.
Ayon sa Valenzuela City lawmaker, dapat unahin din ng TRB na ayusin ang interoperability ng RFID systems ng Easytrip at Autosweep bago magpatupad ng anomang paghihigpit sa mga motorista patungkol sa implementasyon ng cashless toll payment scheme.
Nauna rito, hinimok ni Rep. Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) na suspendihin ang nasabing ‘cashless system’ habang wala pang kaukulang batas para sa RFID interoperability. (CESAR BARQUILLA)
