TIMBOG ang tatlong drug personalities sa isinagawang magkahiwalay na anti-drug operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa report ni P/SSG Ana Liza Antonio kay Valenzuela Police chief, P/Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong alas-4:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo, ng buy-bust operation sa Policarpio St., Brgy. Gen T. De Leon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Rolando Malongayon Jr., 30-anyos.
Habang sa Brgy. Ugong, nadakip din ng kabilang team ng SDEU ang suspek na si Alfredo Santos Jr., 46, matapos bentahan ng P300 halaga ng umano’y shabu ang isang police poseur buyer sa buy-bust operation sa M. Bernardino St. dakong alas-3:40 ng madaling araw at nakumpiska sa kanya ang 4 grams ng hinihinalang shabu na P27,200 ang halaga, buy-bust money, P100 cash at cellphone.
Bandang alas-3:30 ng madaling araw nang masakote naman ng isa pang team ng SDEU, sa pangunguna ni P/SSgt. Arvin Lirag, si Romeo Delos Reyes, 55, matapos maaktuhang sumisinghot ng shabu sa kanyang bahay sa #6929 Diverside St., Brgy. Gen. T. Deleon.
Ani P/SMS Fortunato Candido, nakuha kay Delos Reyes ang tinatayang 3 grams ng umano’y shabu na may standard drug price na P20,400, cellphone at ilang drug paraphernalia. (FRANCIS SORIANO)
