INANUNSYO Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Nicolas D. Torre III, ang pagkakaaresto sa tatlong suspek sa human trafficking at nailigtas ang anim na biktimang kababaihan sa entrapment operation na isinagawa ng mga tauhan ng District Women and Children Concern Section (DWCCS) kahapon ng umaga sa Cubao, Quezon City.
Kinilala ni P/Maj. Sheryl Bautista, hepe ng DWCCS, ang mga suspek na sina Ariel Orongan Medidas, 42; Jennefer Sarte Dela Cruz, 37, at Aiza Moreno Alegre, 30-anyos.
Ayon sa ulat, ang DWCCS ay nakatanggap ng tips mula sa isang concerned citizen kaugnay sa paglaganap ng human trafficking activities sa Brgy. E. Rodriguez St., Cubao, Quezon City.
Nang nakumpirma ang report, agad nagkasa ng entrapment operation laban sa mga suspek dakong alas-2:15 ng madaling-araw noong Oktubre 13, 2022, sa Aurora Blvd. corner Oxford St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Isang police officer ang nagpanggap bilang customer at ang mga suspek ay nag-alok ng kabataang babae para sa sexual services kapalit ang P500.
Matapos tanggapin ang marked money ng mga suspek ay agad inaresto ang mga ito ng mga awtoridad at nailigtas ang mga biktima.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng DIDMD Centralized Custodial Facility sa Camp Karingal, Quezon City at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, habang ang nailigtas na mga biktima ay dinala sa Quezon City Social Services Development Department (SSDD) para sa kaukulang disposisyon. (JOEL O. AMONGO)
211 