BAGSAK sa selda ang isang 43-anyos na ginang na umano’y tulak ng ilegal na droga, at nadamay ang dalawang iba pa, sa inilatag na buy-bust operation sa Arellano Avenue, malapit sa Zobel Street, Malate Manila, nitong madaling araw ng Miyerkoles.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, station commander ng Manila Police District – Malate Police Station 9, ang target sa operasyon na si Analyn Sicat, ng Honorio Lopez Street, Balut Tondo, Manila.
Timbog din sa operasyon sina alyas “Edwin”, 47, at alyas “Monching”, 35-anyos.
Base sa ulat ni Police Major salvador Iñigo Jr., hepe ng Station Drug Enforcement unit (SDEU), bandang alas-2:30 ng madaling araw nang ikasa ang buy-bust operation sa nasabing lugar, at agad nasunggaban ng mga awtoridad ang ginang at ang dalawang kasama nito.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 3 gramo at may street value sa P20,400.
Ang mga suspek ay pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(RENE CRISOSTOMO)
